Tuesday, July 21, 2009
Vilma Santos in all Saturdays of August on ABS-CBN
Ipinagmamalaking ihandog ng ABS-CBN ang engrandeng five-part TV special para sa nag-iisang Star For All Seasons na pinamagatang ‘Vilma: A Woman for all Seasons,’ mapapanood sa lahat ng Sabado ng buwan ng Agosto.
Kilala bilang Star for All Seasons, matagal na si Vilma Santos ng entertainment industry. Nagsimula sa show business sa edad na siyam, napanalunan ni Vilma ang kanyang pinaka-unang acting trophy mula sa FAMAS bilang Best Child Performer sa pelikulang Trudis Liit (Little Trudis). Mula noon, nakagawa na ang respetadong aktres ng mahigit na dalawang daang mga pelikula at iba’t ibang TV programs at nagawaran ng ilan sa pinaka-prestihiyosong award-giving bodies tulad ng FAMAS, Gawad Urian, PMPC at Catholic Mass Media awards.
Pinarangalan din siya ng Lifetime Achievement Awards ng Cinemanila at FAP maging ang UP Gawad Plaridel Award para sa kanyang mga kontribusyon bilang aktres at public servant.
Maliban sa pagdadala ng saya sa mga Pilipino sa nakalipas na mga dekada sa pamamagitan ng kanyang pag-arte, nasa puso rin niya ang public service. Kasalukuyan siyang nasa politika bilang pinaka-unang babaeng Governor ng Batangas at ikinatutuwa ng kanyang mga constituents na hands-on siya. Si Vilma rin ang pinaka-unang babaeng Mayor ng Lipa City na nagserbisyo ng tatlong termino. Siya rin ay ina ng dalawang anak na lalaki at mapagmahal na asawa kay Ralph Recto, na siya ring may puso para sa public service.
Matutuwa ang mga taga-suporta at fans dahil mas makikilala na ang Star for all Seasons sa pagkwento ng kanyang buhay mula sa kanyang acting career hanggang sa pagiging Governor ng Batangas maging mga pagsilip sa kanyang inaabangan at pinag-uusapang movie na ‘In My Life’ kasama ang anak na si Luis Manzano at blockbuster film actor John Lloyd Cruz.
Panoorin ang TV special na magiging parte na ng kasaysayan - ang ‘Vilma: A Woman for all Seasons’ sa lahat ng Sabado ng buwan ng Agosto, pagkatapos ng ‘Maalaala Mo Kaya,’ sa ABS-CBN.
No comments:
Post a Comment