Friday, June 12, 2009
Ako at ang ating bayang Pilipinas
Sa ika-111th taon ng kasarimlan ng ating Inang Bayan hindi ko na siguro kailangan magkwento kung anong mga naganap sa kasaysayan na siyang humulma ng ating bayan at pagkatao, bagkus nais kong pagtuunang pansin ang kabataan ang ang nalalapit na election sa 2010.
Sa panahon ngayon, fragmented na ang mga kabataan, masakit man tanggapin ang ilan sa kanila ay occupied na sa maraming bagay at ang pakikibahagi sa issue ng bayan ay nagiging optional na lang. Pero tulad ng sinabi ko sa Ako ang Simula: Sigaw ng Pagbabago, kung sakaling mahikayat ang mga kabataan at mamulat sila sa mga issue ng lipunan at magkaroon sila ng stand, ang nagawa noon ng EDSA 1 at 2, at ang nagawa noong nanalo si Barack Obama sa USA bilang presidente, ay magagawa uli ito ng kabataan ang bumoto nang tama at naaayon sa kanilang konsensya, at hindi lang mga kabataan kundi tayong lahat na mga Filipino na kapag nagkaisa tayo tunay na mababago natin ang bayan.
Ang mensahe ng Araw ng Kalayaan ngayon para sa akin, ay hindi lamang sa kalayaan natin sa pananakop ng mga banyaga noon sa Pilipinas, kundi ang paglaya natin at patuloy na pakikipaglaban natin para sa kalayaan mula sa corruption, sa kamangmangan, sa kahirap, sa pagkakaisa at sa maayos na pamamahala ng bansa. Pero ang nagiging problema natin ngayon ay nanahimik ang ilan at hinahayaan na lang ang iba na kumilos para sa atin, walang pinagkaiba yan sa isang walis tingting na kung saan kapag binali ay madaling maputol, pero kung isang bugkos ito ay hindi ito mapuputol at mahirap itong baliin. Ito ang nakita noon natin sa kasaysayan na sana ay gawin natin muli hindi lang sa araw na ito at sa halalan kundi araw araw ang magkaisa.
Nalalapit na ang araw ng election at muli tayong maghahalal ng mga taong manunungkulan sa bayan, isa lang ang panalangin ko ay nawa ang bawat isa na may isang boto ay huwag magsawalang bahala at isiping bale wala lang ang boto nila dahil isang boto lang yun. Dahil ang isang botong iyon ay maaaring makapagluklok ng isang namamahalang maaaring makapag ahon sa bayan, isang namamahalang ang paglilingkod para sa bayan. Naniniwala pa rin ako sa halaga at kapangyarihan ng boto. Walang pinagkaiba yan sa isang himala na nagaganap araw araw ang buhay natin sa kabila ng mga unos ay patuloy pa rin nating napagtatagumpayan.
Patuloy tayong magbantay, mamulat at makibahagi sa mga nangyayari sa paligid, dahil ang katahimikan ay pagsang ayon lamang sa mga suliraning kinahaharap natin. May responsibilidad ka sa iyong bayan at iyon ay maging simula ng pagbabago ang maging social catalyst ng lipunan, ngayon na at hindi mamaya na ang pagkilos, pakikibahagi at ang pakikialam sa issue ng bayan. Huwag nating hayaang lumala pa ang problema bago tayo kumilos!
No comments:
Post a Comment