Thursday, June 12, 2008

Kamusta ka na Juan dela Cruz?

Minsan naalimpungatan sa gutom si Juan dela Cruz, ngunit walang kaning makain sa kaldero, dahil na rin sa walang bigas siyang masaing dahil sa patuloy nitong pagtaas. Naisipan na lang ilakad niya ang sakit ng sikmura para kahit paano malibang at makalimot sa gutom. Sa kanyang paglalakad napadaan siya sa dati niyang unibersidad sa taft, na ilang lakad lang mula sa kanilang bahay. Sumilip siya ng saglit sa gate, umaasang may mga kakilala siyang makikita ngunit wala ni isa ang nakita niyang kaibigan. Dalawang taon na rin siya hindi pumapasok, at kinailangan niyang tumigil dahil wala nang pangtustos sa matrikula ang kanyang mga magulang mula sa kakarampot nilang kinikita kada sweldo dahil ang ama niya ay minimum wage earner na nagtratrabaho sa isang factory habang ang ina niya ay isang sidewalk vendor na kalimitang nakikipagpatintero sa mga MMDA sa kalsada maisalba lang ang naiutang niyang paninda.

Balak pumunta ni Juan sa Luneta para magpalamig at maglibang para kahit paano makalimot sa gutom at frustrations sa bahay niya. Habang naglalakad papuntang Luneta napadaan siya sa napakahabang pila ng NFA rice pero ang malungkot maghapon na yatang nakapila ang mga tao at wala pa rin ang supplier ng bigas at alas dos na ng hapon. Naisip ni Juan, kagaya din kaya nila siya na kumakalam ang mga sikmura habang naghihintay sa hindi pa siguradong magsusupply ng bigas sa lugar nila. Kung may pila sa NFA ay may isa pang pilang nadaanan si Juan at iyon ay sa Landbank para sa 500 pesos electric subsidy na bigay ni President Gloria Macapagal Arroyo sa mga tao. 500 pesos na monthly subsidy ng mamamayan para sa gastos ng electricity na pwede nila gamitin sa kung anong makakatulong sa kanila, hindi ba limos ito at mas nakakapagpababa pa ng moral ng mga mahihirap? Hindi ba dapat trabaho ang kailangang ayusin ng pangulo at pababain ang presyo ng bilihin kaysa sa solusyong tulad nito na walang kasiguruhan kung magtatagal, ito lang ang biglang naisagot ni Juan sa kanyang sarili.

Pilit winawaksi ni Juan dela Cruz ang mga mga bagay na mas nagpapabigat sa kanyang dibdib, nakarating na rin siya sa Luneta, hindi tulad ng karaniwang araw, masaya sa Luneta, makulay, maraming bandila, maraming tao, at tila walang problema. Ibang iba kung ano ang nasa labas ng lugar na iyon, masalimuot at nakakahabag. Araw ng Kalayaan ngayong pumunta si Juan dela Cruz sa Luneta, at tulad ng unang paglalarawan niya sa lugar na yun kumpara sa pinanggalingan niya, para kay Juan, salita na lang ang kalayaan at wala na itong lalim dahil sa pinagkamulatan niyang lugar, marami ngang mga kampanya ng Independence Day dito at sa labas ng bansa
add your Filipino event na ang nanyayari, event dito, fiesta doon, para kay Juan isa na lang itong pagkukubli sa totoong kulay ng lipunan. Inaliw niya ang sarili sa panonood niya sa sumasayaw na bandila dahil sa ngayon, para sa kanya ang bawat simbolo at kulay ay may sariling interpretasyon niya sa buhay at hindi dahil sa ano ang nababasa niya sa mga libro na noong pinag aaralan niya, ang mga bituin ay ang mga pangarap niya sa buhay, ang guminhawa sa buhay nila mag anak, ang magkaroon ng pagkaing sapat sa kanilang mga mesa, at ang muling makapag aral papalayo sa kamangmangan. Ang araw ang ang kanyang mga magulang na siyang nagsisilbing liwanag sa bawat kadiliman ng kanyang buhay. Ang asul ay para sa kapayapaan, kapayapaan ng kanyang isipan at hindi na matatakot sa kung anumang dumating sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya. Ang pula at ang katapangan, katapangang karapin ang bawat masasalimuot na sandali at pagsubok sa buhay. At puti ay ang kalinisan, kalinisan ng loob na sana sa bawat pagkalam ng sikmura ay pagtitimpi at hindi pagkapit sa patalim ang hakbang niya.

Napapikit na si Juan mula sa pagkakatitig niya sa bandila, habang bingi na ang tenga niya sa ingay ng paligid, at manhid na ang sikmurang kumakalam. Pero patuloy pa rin ang pagdaloy ng mga luha niya, nananalanging makalaya nawa siya sa pagkakapiit niya sa kahirapan at kamangmangan ng lipunan.






Subscribe to Email Blast

No comments:

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha Premium Blogger Themes | Best CD Rates | Seo Company | Seo Company Australia | Cheap Seo | Sports Live Stream | game cracks | Best Online Game | Download PC Games | List of Hobbies | Graffiti Styles