Sunday, June 1, 2008
Classmate papasok ka ba this year?
Kung tatanungin ako ng classmate kung papasok ako sa school ngayong taon, marahil ang isasagot ko ay hindi ko pa alam. Tulad ng karaniwang drama sa bawat eskwelahan dito sa Pilipinas, taon-taong nagiging masalimuot ang mga eksenang makikita mo. Mula sa butas na bulsa ng mga magulang dahil sa taunang pagtaas ng matrikula, hanggang sa pagbaba ng quality ng education sa bansa dahil sa kakulangan ng kagamitan sa pag-aaaral, silid aralan, at ang mga gurong napipilitang maghanap na lang ng ibang trabaho kaysa sa magtyaga sa kakarampot na kinikita nila sa pagtuturo.
Hindi ako papasok dahil wala nang pambayad ang magulang ko sa matrikula ko! Mapalad pa ako noong nag aaral pa ako dahil sa kabila ng pagmamatigas kong sumama sa mga rally noong college days ko kontra tuition hike ay wala akong binabayarang matrikula. May scholarship ako noon, pero hindi ito hadlang para hindi ko maramdaman ang hirap na dinadanas ng aking mga magulang sa pag papaaral sa akin, at sa mga magulang ng aking mga kaklaseng isa isang tumitigil at nagiging irregular sa klase dahil kailangan magtipid para mabuhay. Hindi alam ng mga magulang ko na sumasama ako sa rally, habang ang ibang mga kaibigan ko ay pinagtatawanan ako na kung bakit kailangan kong sumama sa init ng araw para magmartsa at sumigaw ng "No To TFI" kahit paos na paos na ako at nauuhaw. Ano naman daw ba ang alam ko sa hirap ng buhay, iyon lagi ang karaniwang binabatikos nila sa akin. Napapailing na lang ako, dahil kailangan mo pa bang madanasan ang hirap bago ka kumilos? O isa ka sa mga estudyanteng malaki kung kimimick back sa mga magulang mo sa araw ng enrollment at bayaran ng tuition at projects?
Hindi ako papasok dahil kulang at sira-sira ang silid aralan namin! Hindi ito bago sa mga pampublikong paaralan lalo na sa high school at elementary, mga taong hinuhulma ang isipan ng mga estudyante para pahalagaan ang pag aaral. Pero sa kabila ng pondong inilaan ng gobyerno sa edukasyon, ay patuloy paring sumisigaw ng pagbabatikos ang mga natutuklap na dingding, butas butas na bubung, at nagsisiksikang mga upuan na dapat 40 students lang per classroom at hindi 60, 70, 80, 90 o 100. Panahon na rin pala ng tag ulan, siguradong tutulo ang bubong na dapat matagal nang naayos o ang mga silid aralan na dapat ay matagal nang nataasan para hindi bahain. Sa ganitong pangyayari gugustuhin mo pa bang mag aral o maaawa ka na lang sa iyong sarili?
Hindi ako papasok dahil wala naman sa mood ang teacher ko magturo at wala rin akong librong pag-aaralan! May budget nga para sa edukasyon pero hindi naman nailalagak ito ng maayos, mula sa hindi pa rin maayos na pasahod ng mga guro, ay gayun din sa mga librong sana ay 1 book per student at hindi for 2 or 3 students. Ito ang karaniwang nangyayari sa mag ilang eskwelahan, tamad magturo ang teacher dahil kulang sa facility ang eskwela, ang TV na sana ay nasa classroom na pwede nilang magamit sa pag-aaral ay nasa principal's office o kaya ay nakatago at ilalabas lang ito kapag may accreditors. At paano gaganahan ang mga teacher magturo kung sila mismo ay tumatanggap ng hindi maganang pasahod. Sa ganitong buhay sa loob ng silid aralan mas gugustuhin mo pa bang pumasok at mag aral kung salat ang gamit at tamad ang guro? O sa bahay ka na lang at umasang tuturuan ka ng iyong nanay na kumakayod din para mabuhay kayong pamilya.
Noong isang linggo ay bumisita ang mga kawani ng Department of Education sa Divisoria, at ang una nilang napuna ay ang mga notebook na may mga larawan ng mga artista, at ayon sa kanila ay nakakasama ito sa pag aaral ng mga estudyante, ang sa akin lang may sapat na bang pag aaral patungkol dito? Ang sa wari ko, hindi ba mas dapat pagtuunan natin ang suliranin sa loob ng paaralan lalo na sa kakulangan sa facility na dapat makakatulong sa pagpapalago ng kaalaman ng mga estudyante. Nakakatawang isipin na kung kainlan patapos na ang enrollment 2 weeks na ang nakakaraan ay saka naisipan ni President Gloria Macapagal Arroyyo na maglabas ng utos na i-freeze ang tuition hike sa mga pampublikong paaralan na kung saan 50-70% na ang nakapag enroll. Hindi po ba sobrang late na iyan na dapat noon pang nagkakaroon ng tuition increase consultation ay kumilos na ang gobyerno para mapigilan ito. Katulad ng sa mga private schools kung nanaisin nilang mapigilan ito sana noon pa ay nagpanukala na sila ng batas na titigil sa Ched Memorandum Order no. 13 na kung saan ang bawat consultation ay nagiging moro moro lang at sa ending talo ang bidang estudyante.
Lapit na ang pasukan, ilan na lang sa mga classmate natin ang papasok kaya? Si bestfried ba o si crush nag enroll na ba? O stop muna sila? Lapit na rin pala ang State Of the Nation Address, may mababanggit bang totoo tungkol sa estado ng edukasyon at may maayos na bang budget para dito o mga paglista lang sa hangin? Sana sa SONA rin ay maalala ni Gloria ang mga nag stop nating mga classmate, at sana kahit hindi pa SONA may plano na syang maganda bukod sa pagpapaganda niya.
Subscribe to Email Blast
No comments:
Post a Comment