Ang grupo ng Mulat Pinoy ay binuo upang iulat ang mga impormasyon ukol sa iba’t ibang isyung ating kinakaharap lalo na sa usaping populasyon at pagbabago. Nais din ng grupo na bigyan ng kapangyarihan sa pamamagitan ng edukasyon at makabuluhang talakayan ang mga Pinoy sa tulong na rin ng Internet. Naglalayon itong malaman at ipaalam ang sasabihin ng mga kandidato sa bawat isyung kinakaharap ng bansa, lalong higit sa usaping Population and Development (PopDev). Kabilang dito ang mga Kapihan Sessions kung saan ang mga eksperto sa usaping PopDev, maging mga personalidad sa larangan ng media, ay inaanyayahan upang ibahagi ang mga kaalaman, karanasan, at repleksyon sa pagkakabit ng usaping ito sa iba’t ibang perspektibo. Sa darating na Oktubre 9, 2010, isang sesyon ang itinalaga sa upang sagutin ang mga katanungan sa nakaambang paglatag ng Consensus Bill on Population na pangungunahan nila dating senador Vicente Paterno, na siyang pinuno ng Joint Steering Committee ng CBP, kasama si David Balangue ng Makati Business Club (MBC).
Sinasabi na ang populasyon ang siyang tinitingnang pangunahing elemento kung saan nakaugnay ang iba pang mga sistema tulad ng edukasyon, pangangalakal, ekonomiya, kalusugan at iba pang mga sektor.
Sa bansang tulad ng Pilipinas, ang populasyon ay isa sa mga maiinit na isyu, katulad ng mga panguhanahing pangangailangan, pagkain, pabahay, edukasyon na hindi pantay-pantay na natatamasa ng isang karaniwang pinoy. Ang iba pang panlipunang kalagayan tulad ng kahirapan, kagutuman, usaping gender, at pangangalaga ng kalikasan ay nakaangkla sa paglaki ng populasyon sa isang bansa.
Ang Kapihan Session sa pamumuno ng Mulat Pinoy at sa pakikipagtulungan ng Probe Media Foundation, Inc. (PMFI) at ng Philippine Center for Population and Development (PCPD) ay gaganapin sa ika-9 ng Oktubre, 2010 sa ganap na ika-3:30 hanggang ika-6 ng hapon sa Annabel’s Restaurant, Tomas Morato, Quezon City. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang Mulat Pinoy website (www.mulatpinoy.ph) o ang Facebook, Multiply at iba pang social media network accounts nito.
No comments:
Post a Comment