Ipinagdidwang natin ang ika-112 na taon ng Araw ng Kalayaan sa bansa, at siya ring pagluklok ng ika-15th na presidente ng bansa kasama na rin ang mga iba pang manunungkulan pero hindi pa natatapos ang responsibilidad na inatang natin sa ating mga balikat noong araw ng eleksyon, dahil hindi pa natatapos ang responsibilidad natin para sa bayan, hindi ito nag uumpisya at natatapos sa balota kundi ang responsibilidad ng bawat isa sa bayan, parte man ng gobyerno o hindi ay habang buhay.
Noong pinalabas ang Ambisyon 2010 sa ANC, isa sa mga pumukaw ng aking atensyon ang gawa ni Emerson Reyes, Ang Telenobela ni Juan at Luzviminda. Nakakatawa ang konsepto ng short film na ito pero may tama siya, ito ay umikot sa usapan nina Juan dela Cruz at ni Luzviminda, mag asawa sila pero ipinagkait ni Luzviminda na magkaanak sila ni Juan dela Cruz dahil sa kakulangan ng responsibilidad ni Juan sa kanyang sarili at sa bayan kaya hirap ipagkaloob ni Luzviminda ang anak dapat nilang si Demokrasya. Simpleng short film pero malalim ang nilalaman na karaniwan ang mga Pinoy ay nakakalimot sa kanilang responsibilidad sa bayan, at ang pagiging makabayan niya ay lumalabas lamang kapag eleksyon, Araw ng Kalayaan, o kung nananalo si Manny Pacquiao sa boxing doon lang lumalabas ang pagiging Filipino natin. Pero sana hindi lang hanggang doon.
Isang hamon sa bawat Filipino ay kung paano maging isang tunay na Filipino, may malasakit sa bayan at sa kapwa. Ang bawat isa sa atin ay si Juan dela Cruz umaasam ng demokrasya, totoong demokraysa mula sa kahirapan at suliranin ng bayan pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa natin nakukuha ito? Ito ang diwa ng Araw ng Kalayaan para sa akin, ang responsibilidad at maging simula ng pagbabago. Kung nais natin ng maayos na lipunan at malayang bayan, simulan natin sa sarili natin ang pagbabago, at patuloy magbantay sa bayan. Ibalik natin ang bayanihan sa bawat isa at pakikipagkapwa tao sa bawat pagkukusa at pagtutulong tulong aangat ang bayan. Dahil ang bawat isa ay may magandang magagawa para sa bayan at sa kapwa. Ang tunay at taos pusong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay hindi nakabase sa magagarang paghahanda at mamahaling gastos, kundi ang paghahatid ng tamang mensahe at pagpapaalala sa bawat isa ang pagiging Pilipino sa isip, sa salita at sa gawa.
Malayang ika-112 Araw ng Kasarimlan ng Bayan!
No comments:
Post a Comment